Wika at Kalikasan: Yaman ng Bayan
"Sa Pangangalaga ng Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal ay Talagang Kailangan"
Malayo-layo na rin ang narating na pag-unlad ng ating bansa. At kasama sa pag-unlad na ito ang mga pagbabagong nagaganap sa ating wika at kalikasan.
Parehong malaki ang bahaging ginampanan ng ating wika at kalikasan makamit lang ang pag-unlad na ngayo'y ating tinatamasa.Wika ang nagsilbing tulay natin upang tayo'y magkaisa.Kalikasan naman ang siyang nagbibigay ng ating mga pangunahing pangangailangan.Bukod pa sa mga ito ay marami pang gamit ang ating wika at kalikasan na hanggang ngayon ay atin paring pinakikinabangan.Kaya naman kahit kailan ay hindi natin maikukubli ang kahalagahan ng mga ito.
Maraming hirap ang dinanas ng ating bayan. Mula pa noong sinakop tayo ng mga Espanyol hanggang sa pagsakop sa atin ng mga Amerikano,hindi naging madali ang pakikibaka natin makamit lang ang kalayaang ating inaasam. Sa kasalukuyang panahon,nakamit na nga natin ang kalayaan subalit tila ay alipin pa rin tayo ng kanluran. Masakit man isipin pero mas pinapahalagahan pa natin ang pag-aaral ng wikang Ingles kaysa sa paggamit ng sarili nating wika. Ang wikang Pilipino ang siyang wikang pambansa natin.Atin ang wikang ito.Simbolo ito ng ating kultura at ito ang nag-uugnay sa ating lahat.Sa mga dahilang ito masasabi kong nararapat lamang na ang wikang Pilipino ay buong puso nating mahalin at pagyamanin.
At katulad ng ating wika ang ating kalikasan ay napakahalaga rin. Ito ang pangunahin nating pinagkukunan ng mga hilaw na materyales na kinakailangan natin lalo na sa paggawa ng ating mga produkto. Ang ating bansa ay napakayaman sa likas na yaman,subalit bakit tayo naghihirap?Ang ating paghihirap ay bunga ng di wastong paggamit natin ng likaw na yaman. Hindi natin dapat abusuhin ang kalikasan bagkus ay nararapat na ating alagaan.
Ang ating wika at kalikasan ay biyaya ng diyos sa atin.Sana darating ang araw na bawat isa sa atin ay magkaroon ng pagmamahal sa ating wika at kalikasan gaya ng pagmamahal ng Diyos sa atin.